
"Apokripos. Mula sa Griyegong apokrypohos, lingid, lihim. Tumutukoy noon sa mga aklat ng Septuagint at Vulgate na di inilahok sa mga kanon ng Hudyo at Protestante sa Lumang Tipan dili kaya'y sa mga unang sulating Kristiyano na di isinama sa Bagong Tipan. Mula sa ganitong pakahulugang panrelihiyon ay umusbong ang Ingles na apocrypha upang tumukoy naman sa anumang sulatin o pahayag na may nakapagdududang katunayan. "Bilang pamagat ng aklat na ito, ipinasasakop ang mga di-karaniwang pitlag ng damdamin, di akalaing lukso ng isip, at di mahuhulaang sulyap sa mundo, na malimit bumingit sa malaswa, na isinatula ni Gracio. Hindi ko maiwasang gunitain si Cavafy habang tinatamasa ang pagtula ni Gracio, lalo na ang ikaapat na kabanata ng kaniyang katipunan. "Marahil, tulad ni Cavafy, ibig ding itanghal ni Gracio ang tungkuling moral ng makati bilang saksi ng katotohanan. At tulad ng dapat asahan, ibig niyang maging tangi at naiibang saksi. Itinatanghal niya sa APOKRIPOS ang mga karanasang lingid at lihim o ibig niyang ipamalas ang karanasan sa anyo ng isang di-kapani-paniwala, di-kanais-nais, at kahit di-lohikong katunayan. Kaya lipos ang taludturan ni Gracio sa matatarik na kagila-gilalas at malulutong na parikala. Inirerekomenda kong basahin ito agad bago mabalitaan at pakyawin nina Urbana, Tandang Basio, at Fray Salvi." -Virgilio S. Almario, National Artist for Literature