
Tinatalunton ng Corpus ang katawan sa iba't ibang sangandaan ng ating pananalig sa iba't ibang anyo ng pag-ibig: mula sa lalim ng kinukumpisal na sugat sa palad, sa mga daplis ng bala mula sa digmaan hanggang sa lawak ng blangkong pilas ng papel ng kasaysayan at kaligiran ng kahulugan at diskurso ng wika. Ang lahat ay pagtatangkang makahanap ng korporealidad ang tula: magkabalat ang salita at maghunos bilang panibagong uri ng danas sa harap ng iba't ibang dahas ng dito-at-ngayon ng ating panahon. "May malawak at malalim na pagsisiyasat na laging nagaganap sa mga tula ni Carlos Piocos III: kasinglawak at kasinglalim ng puwang na masusing inuukilkil ng kaniyang talinghaga. Budhi sa budhi, laman sa laman, nabubuksang tila sugat ang karimlang pumapagitan sa pag-ibig at pag-iisa, sa sarili't sanlibutan, sa gulugod ng buhangin at mata ng konstelasyon, sa lahat ng karanasang naliligid ng limang pandama. Wari'y awtopsiya, laging duguan ang kaniyang talinghaga sa pagbusbos sa mga lihim na sanhi ng pagitang sumasaklot sa kamalayan ngunit siya ring nagsisiwalat sa katotohanan at nagpapalaya sa kaniyang diwa." \—FIDEL RILLO