
Nagsisimula ang Daluyong kung saan nagwawakas ang Maganda pa ang Daigdig. Si Lino Rivera, dating bakero ng isang asendero, ay nabigyan ng pagkakataong magmay-ari ng sambanos na lupa buhat sa butihing si Padre Echevarria. Modelo si Lino ng taong dahil sa pagsisikap at kabutihang-loob ay nakalaya mula sa pamatok ng sistemang kasamá. Bukod sa daluyong ng mga pagbabagong maaaring maganap dulot ng repormang agraryo at ng pag-asa ng maginhawang kinabukasan para sa maliliit na mamamayan, tinatalakay rin ng nobela ang daluyong ng mga puwersang sumasalansang sa mga pagbabago't pag-asang ito.