
Sa ]Kuwarentena[ ang naging pangunahing trabaho ng aking pagtula ay dumukal sa napag-aralan kong pambansang karunungang-bayan—ang mga alamat, awiting-bayan, epikong-bayan, kuwentong-bayan, pabula, salawikain, bugtong, tugmang pambatà, pamahiin, bulong at orasyon, kaugalian, pista't ritwal—at sa kasalukuyang kulturang popular na inihahatid ng radyo, telebisyon, at pelikula. Siyempre, kailangan kong itanghal ang kalidad ng katutubong tugma't súkat at ang bisà ng tradisyonal na tinig ng panambitan at patalastas ngunit sa paraang naglalaman ng mga kalatas na pambansa at makabansa. Inihahalò ko sa mga ito ang edukasyon ko sa malayàng taludturan, tulang tuluyan (prose poetry), at pagtulang Kanluranin. Samantala, pinatalas ko ang himig na masayáhin, mula sa biro, tuksuhang barkada, kantiyawang kalye, siste, kuwentong barbero o kuwentong kutsero, sinaunang balintuna hanggang modernong parikala at satira upang itimpla sa madamdaming pangangaral. Kailangang bungkalin ko at linangin ang masayáhing himig sapagkat ito ang hindi natututukan ng kasalukuyang pagtula. Kayâ may impresyong kung hindi sumisigaw at nagtatalumpati ay lubha namang namimighati ang ating pagtula. Kailangan ko din ang naturang mga instrumento dahil sa lunggati kong ipasok sa taludtod ang mga adhika at mithiing tungo sa muling-pagkatha ng Filipinas. Sinamantala ko ang COVID-19 upang sa isang bandá'y tistisin ang malulubhang sakít at bisyo ng bansa—kapuwa ng liderato at ng mamamayan—at sa kabilâng bandá'y ipanukala ang mga hálagáhang nagtatanghal sa birtud ng sambayanan at kailangan para sa pagbangon mula sa kuwarentena at lugmok nating estado. Ang ganitong mensahe ay mahirap ihatid sa pamamagitan lámang ng "tahimik" na pahiwatig at nakabiting parinig; ngunit nakasusuyà kapag lagìng isinermon. Hinahanap lagì ng masa ang "masayá," hindi lámang dahli sawâ na silá sa totoong búhay na malungkot kundi dahil nasanay din silá sa makukulay na kasuotan at pahayag sa entablado noon pang panahon ng komedya; sa sari-sari ng perya, parada, prusisyon, at variety show kung pista; at noon pa, sa kagila-gilalas at di-akalain ng mga mito't alamat.