
Si RodMarmol (Mark Rodel Cabataña Marmol) ay nagtapos ng BA Broadcast Communication sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong 2012. Muntik pa siyang 'di makapunta sa graduation dahil nagtatrabaho na siya noon bilang alila sa mundo ng pelikula/telebisyon. Dati kasi ay inambisyon niyang maging artista pero dahil malapad ang ilong niya ay mas pinili na lang niyang maging writer. Nagsulat siya ng mga patalastas, artikulo sa dyaryo, script ng teleserye at pelikula, mga hugot at memes, at ngayon ay dalawang libro na inspired ng Utot Catalog (www.facebook.com/UtotCatalog), ang Facebook page na ginawa niya para makapag-emote anonymously. Ang motto niya bilang writer ay: Sulat. Gulat. Mulat. Takot siya sa butiki, sa kamang maluwag, at sa buhay na walang dahilan.