
Ang hinihikayat ng karanasan sa kulturang popular ay ang pagpapasulyap sa gitnang uring buhay sa hinaharap. Ang miminsanang pag-ambon–malling, panonood ng libreng TV, ukay-ukay, pana-panahong pag-Jollibee–ay ginagawang normatibo sa pangarap na makamit ang posibilidad sa hinaharap. Ang lampas-lampasang aspirasyon, libre naman kahit pa matumal ang tsansang makamit, ng gitnang uring fantasya ang epektibo at makapangyarihang ethos at etika ng paggagap sa kolektibong pagdanas sa kasalatan: ang material na kahirapang kinasasadlakan ng nakararami. Epektibong napainternalisa ng estado ang kawalang-kapangyarihan ng mamamayang makadanas sa labas ng gitnang uring fantasya. Wala itong safety net para sa historikal at mayoryang naghihikahos. Ang mga kabanata sa libro ay pumapaimbulot sa paksang material na kahirapan at gitnang uring fantasya sa neoliberalismo. Ang tema ay ang pag-angat sa politikal na pagsusuri sa kulturang popular. Politikal ang pagsusuri dahil sa depolitisasyon ng kulturang popular sa sensibilidad ng tumatangkilik nito na tanggapin ang matatayog na pangarap kahit pa man salat ang batayang kondisyon.