Ang pagtingala sa buwan, kung gayon, ay ang pagkatagpo ng makata sa landas patungo sa kaliwanagan sa kabila ng namamayaning kadiliman. At ito ay ang landas ng tula. Tulad ng sinaunang makata na nakatagpo ng mahahalagang aral sa siklo ng paglisan at pagbabalik ng buwan, sa pagbabago-bago ng anyo at liwanag nito, at sa kapangyarihan nitong gisingin ang guniguni ng tao upang lumikha ng isang anyo o hugis ng panaginip na nagdurugtong sa mga pagitan ng buhay, nasumpungan din ni Samar ang mga tema ng pagtatalusira sa sumpa, kapangyarihan ng kutob at damdamin, at paninimbulan sa pagbabago-bago ng panahon. — Mula sa introduksyon ni Benilda S. Santos