“Para sa lahat ang Pagdiriwang sa Haraya: Ang Panulaan at mga Aklat ng Impormasyon para sa mga Bata nu Eugene Y. Evasco, hindi lamang para sa guro ng panitikan. Dahil ang pinag-uusapan ay pagpapatatag at pagpapaunlad ng bata sa panitikan at ng panitikan sa batang tunay na nakadarama ng dagta sa daliri, paglipad ng mga bukitkit, at asim ng asido sa sikmura. Nasa laylayan ng lipunan ang bata kaya’t nasa laylayan din ang panitikang pambata. Sa aklat na ito, pinagdiriwang ang imahinasyon at talino ng bata at ang pagpapahalaga sa panitikan at talinghaga. Hanggang hindi natututuhan ng lipunang ito na magpahalaga sa kaniyang mga anak na nasa laylayan, laging kailangan balikan ang panitikan para sa bata at ukol sa bata. Nasa puso ng koleksiyon ang mga sanaysay ni Evasco ang mga pagpapahalaga sa talinghaga ng batang nag-aabang sa ulang tsokolate hanggang sa mga batang itinuturing na suwail ng lipunan. Hinihikayat tayo ng aklat na tingnang muli ang panitikang pambata sa lente ng lawak at lalim ng talino’t tinig ng mga bata.” - Prop. Will P. Ortiz Ph.D (premyadong manunulat at propesor)